Wednesday, March 18, 2009

THE enemies we create are the friends we made. Minsan pa sa kuwentong tutunghayan natin ngayon na “there are no permanent friends or enemies, only permanent interests.”

Sa lahat ng barkada niya mula pa noong binata pa siya ay naging close na kay Raffy si Connie. Madalas silang tinutukso ng kanilang mga kaibigan sa Parañaque City, pero talagang mag-bestfriend lamang ang dalawa. Pareho kasi silang Scorpio at ang turing nila sa isa’t-isa ay bilang soulmates, ayon sa pagkakaintindi nila.

Maski na noong nanligaw si Raffy kay Tisha ay kasa-kasama niya si Connie at naging magkaibigan din ang dalawang babae. May pagka-tomboy si Connie kaya madali itong natanggap ni Tisha bilang bestfriend ni Raffy at hindi niya pinagselosan.

Pero may mga pagkakataong naiinis si Tisha dahil sa ginagawang pagtatakip ni Connie sa pambababae ni Raffy. Lalo na nang mag-asawa na ang dalawa. Hindi na nagbago si Raffy kahit na nang sunud-sunod na dumating ang mga anak nila. Minsan ay nababalitaan pa ni Tisha na may kasabay siyang nabuntis ni Raffy na inaalagaan diumano nito sa tulong ni Connie.

Successful saleman si Raffy sa isang car company at madalas siyang mag-out of town. Si Connie naman ay isang talent scout at caster sa isang advertising agency. Siya ang nagpapakilala ng mga batang babae kay Raffy na sinuwerte namang na-promote at naging manager.

Ulirang maybahay si Tisha at alam niya ang papel ni Connie, na nanatiling single sa buhay ni Raffy. Pero after their fourth child, at nang nag-aaral na ang mga ito, ipinasya ni Tisha na bumalik sa trabaho. Graduate siya sa Computer Science at madali siyang nakapasok sa isang advertising agency. Naging madalas ang pagkikita nila ni Connie na hindi nagustuhan ni Raffy. Totoong ang magnanakaw ay galit sa kapwa magnanakaw at pinagdududahan niya ang pagiging close nina Tisha at Connie.

Minsan ay nagbiro si Raffy kay Connie na hindi niya matatangap kung pati si Tisha ay ibubugaw rin nito. Napansin kasi ni Raffy na nagbago si Tisha at parang nagdadalaga ulit ito kung umasta at manamit. Bigla itong nag-gym at madalas ay gabi na rin kung umuwi.

Nang minsang i-confront ni Raffy si Tisha tungkol sa madalas nilang pagsasama ni Connie ay natawa lamang ang huli sa sobrang selos at suspetsa ng asawa. Tulad niya, kaibigan lang daw umano niya si Connie at lahat ng pagbabago niya ay bahagi lang ng kanyang trabaho. Malaki na rin ang kinikita ni Tisha at hindi na ito umaasa sa perang ibinibigay ni Raffy. Para na lang sa budget sa bahay at mga bata iyon. Tisha has her own money, at hindi na siya humihingi kay Raffy.

Hindi nagtagal ay kumalat ang tsismis na may binatang boyfriend ang 38 year old na si Tisha. Bente singko anyos lamang ang lalaki at isang commercial model.

Isang gabi habang pauwi si Connie ay naaksidente ito at Dead On Arrival sa ospital. Nagduda ang mga pulis na tila may foulplay sa pagkakabundol sa sasakyan ni Connie lumabas na talent pala ni Connie ang boyfriend ni Tisha.

May kutob si Tisha na si Rafffy ang nagpapatay kay Connie. Pero hinahayaan na lamang niya kunsensiya ni Raffy ang maniningil sa kanya kung sakali. Jojo Acuin