Sunday, February 01, 2009

Ni Jojo Acuin
HINDI lahat ng biyuda o matrona ay nagiging “sugar mommy” kapag sila’y umiibig at nagkakaroon ng relasyon sa lalaking hindi hamak na mas bata sa kanila. Ang problema ay maraming tao ang de-kahon ang utak at ang unang akala ay tinototoo na. Isa pa, may mga lalaki ring mahilig sa mas matandang babae, at sino tayo upang humusga sa tunay na pag-ibig?

Pitong taon nang biyuda si Amelia pero parang dalaga pa rin ang dating nito, may edad nga lamang. Sabi nila, ang babaing maligaya sa piling ng mahal niyang asawa kapag nabiyuda ay mananatili na mag-isa at hindi na maghahanap ng kapalit. Sapat na umano ang masasayang alaala upang maging gabay nito sa kanyang pagtanda.

Inaamin ni Amelia na hindi siya naging masaya sa piling ng asawa niyang si Primo noong ito’y nabubuhay pa. nagkaroon nga sila ng walong anak pero iyon ay dahil maaga silang nag-asawa at iba umano ang panahon noon. Iyon ang panahon na sumusunod lang daw ang babae sa kagustuhan ng lalaki.

Hindi naman daw siya sinasaktan nang pisikal ng yumaong Primo pero madalas naman umano siyang murahin nito. Sa madaling salita ay grabe ang inabot niyang verbal abuse sa buong panahon ng kanilang pagsasama lalo na sa bandang huli. Hindi lubos na maintindihan ni Amelia kung bakit ganoon ang trato sa kanya ng nasirang asawa. Kung sobrang selos ba o inis o dahil na rin sa mga kakulangan nito.

Kaya nang nakilala niya ang Bisayang si Badong, isang mas batang sundalong galing sa Mactan, Cebu, tila nabuhayan ng loob si Amelia. Fifty-six years na siya noon at 32 si Badong, may iniwang asawa sa Mactan at dalawang anak.

Noong una, ang akala ng mga anak at kaibigan ni Amelia ay ginagawa lang siyang sugar mommy ni Badong na nakabase sa Villamor Air Base sa Pasay. May kaunting kaya kasi ang pamilya ni Amelia at may ilang paupahan sila sa kanilang lugar sa Pasig City. Isa pa, may regular na sustento si Amelia sa panganay niyang anak na nakapag-asawa ng mayamang Hapon, at buwan-buwan ay talagang may pera siya.

Para makaiwas sa gulo hindi pinapupunta ni Amelia si Badong sa kanilang bahay sa Pasig maliban lamang kung may importanteng okasyon. Madalas ay sa text at telepono sila nag-uusap at si Amelia ang pumapasyal sa bahay ni Badong sa Villamor. Maski nang lumipat na si Badong ng Barracks ay ganoon pa rin ang ginagawa ni Amelia. Pero may mga panahon na hindi niya mapigilan si Badong na pumunta sa kanila lalo na kapag ito’y nakainom. Iniistima naman ito nang mabuti ng kanyang mga anak at apo.

Ayon kay Amelia, di hamak na mas mabait at mapagmahal si Badong kaysa yumao niyang mister. At sinasabi niya ito maski sa kanyang mga anak. Maganda ang naging samahan nina Amelia at Badong na tumagal halos ng 15-taon. Nang lumaon ay natanggap na rin ng mga anak ni Amelia si Badong sa kanilang pamilya. Subalit hindi sila nagsama sa kanilang bahay sa Pasig kung saan kasama ni Amelia ang ilang anak at mga apo. Si Amelia pa rin ang pumupunta sa Villamor at kung saan-saan sila nagagawi ni Badong.

Halatang mahal ni Badong si Amelia, at kahit na tumaas ang ranggo nito sa kanyang trabaho at tumaas na ang suweldo ay hindi pa rin niya ito iniwan. Bihira siyang umuwi sa kanyang asawa sa Cebu kahit na nadagdagan ang mga anak niya at naging apat. Sabi ni Badong noon, malimit silang mag-away ng misis niya dahil kay Amelia. Pero hindi pa rin niya maiwan at mahiwalayan ang babaing mas matanda sa kanya 24-taon.

Anong sikreto ni Amelia at napapanatili niya ang mas batang lover sa kanyang piling? At siya ang ginagastusan ni Badong maski na noong umpisa pa lamang. Maprinsipyo si Badong at ayaw nito na si Amelia ang gumagasta sa mga lakad at inuman nila.

Mahilig uminom si Badong at kahit gaanong hindi umiinom ay sinasabayan siya ni Amelia. Pagluluto naman ng pagkain at pulutan ang inaasikaso ni Amelia. May maliit na barkadahan sila -- isang grupo ng ilang kaibigang babae ni Amelia at ilang kapwa sundalo ni Badong -- na nagkikita at nagsasama-sama sa tuwina. Tawagan lang sa telepono o ’di kaya’y text message at nabubuo agad ang grupo. Pero walang ibang naging lover sa grupo maliban lang kina Amelia at Badong. Alam ng grupo ang kakaibang love affair ng dalawa.

Nakikita nilang kung mahal ni Amelia si Badong lalong mahal ng huli ang biyuda. Hindi na pinag-uusapan ang kasal dahil masaya naman sila sa kanilang set-up. Isa pa, malayo naman ang asawa at pamilya ni Badong na sinusustentuhan niya buwan-buwan.

Minsan ay muntik nang maghiwalay sina Amelia at Badong dahil sa bunsong anak na lalaki ng biyuda. Ilang buwan din silang hindi nagkita at nagka-usap pero pareho naman silang apektado. Sa bandang huli ay ang mismong bunso ang gumawa ng paraan upang magkalapit at magkasundo ulit ang dalawa. At tuloy pa rin ang ligaya.

Kamakailan ay nag-celebrate sina Amelia at Badong ng kanilang 15th year together. Nag-blowout ng bongga si Badong sa Pasig at sa Villamor. Masaya ang lahat.

Pagkatapos noon ay umuwi siya sa Mactan upang dalawin ang kanyang pamilya. Doon ay bigla siyang inatake at yumao. Nasaktan man si Amelia ay masaya na rin siya sa aniya’y huli niyang pag-ibig. Ngayon ay 70-anyos na siya.