Ni Jojo Acuin
SABI ng matatanda kapag nagmamahalan at talagang maligaya ang pagsasama ng mag-asawa, o kahit na magkasintahan lang, mahihirapan na umanong maghanap ng kapalit ang maiiwan sa sandaling pumanaw ang isa.
Ang obserbasyon ng marami ay mas totoo ito sa kaso ng mga babae. Pero may mga lalaki ring nanatiling binata o biyudo at hindi na naghahanap ng iba kahit matagal nang yumao ang mahal nila.
Ito ang damdamin ni Siony sa biglaang pagpanaw ni Bert, ang kanyang lover ng sampung taon. Sampung taon din ang tanda ni Siony kay Bert pero pareho na silang may asawa nang sila’y nagkakilala sa pamamagitan ng text messages sa cellphone. Siyempre, kagagawan ng mga kaibigan nila.
Kahihiwalay lang noon ni Siony sa babaero niyang mister na si Fred na may nabuntis at kinasamang mas bata. Ayaw pa sana ni Siony noon na pumasok sa bagong relasyon subalit naging masigasig si Bert, at nakuha siya sa text, sabi pa nga.
Dumadalaw si Bert sa bahay nina Siony kung saan may tindahan ang huli, pero mas madalas ay sa labas sila nagkikita. Masyadong tsismoso’t tsismosa ang mga tao sa lugar nina Siony sa Mandaluyong City at mainit sa mata ang mapormang dating ni Bert. Lalo na’t nakamotorsiklo ito at talagang lover boy kung umasta.
May asawa’t pamilya si Bert sa Cavite at minsan nang pinuntahan ng misis niya si Siony sa Mandaluyong. Nagpakilala ito bilang kamag-anak na naghahanap umano kay Bert. Subalit iba ang kutob ni Siony at hinarap niya ito ng mabuti, pinakain at kinausap ng magiliw.
Mahigit 50-anyos na ang banidosang si Siony at wala pa yatang 30-anyos sina Bert at ang misis nito. Pero hindi hamak na mas maganda at balingkinitan ang katawan ni Siony kaysa mukhang losyang na misis ni Bert. Sa katunayan ay na-insecure si misis at medyo napahiya sa sarili nang nakaharap niya ang nabalitaang “kabit” ni Bert.
Dalawampung-taon naman ang tanda ni Siony sa misis ni Bert pero mas kabigha-bighani pa rin ang mas matandang babae. At lagi siyang nakaayos kahit nasa bahay lang at nagtitinda.
Wala naman balak magtaray at mag-iskandalo ang misis ni Bert. Siguro, gusto lang niyang makita at mausisa ang ibang babae sa buhay ng asawa niya.
At natameme siya sa kanyang nakita. Maganda, maayos at edukada si Siony at bihirang lalaki ang hindi magkakagusto rito. Isa pa, may sarili itong negosyo at hindi umaasa sa iba.
Hiwalay na sina Bert at ang misis niya nang pag-usapan nina Siony ang tungkol sa mahiwaga at biglaang dalaw na iyon ng diumano’y kamag-anak ng lalaki. Pero kahit pareho na silang hiwalay ay hindi pa rin nagsama sa isang bahay sina Siony at Bert.
Tumagal ang relasyon nila ng sampung taon na halos ganoon lang ang kanilang sitwasyon. Dumadalaw halos araw-araw si Bert, natutulog kina Siony paminsan-minsan, at umuuwi rin pagkatapos. Masaya na sila sa ganoon, at iyon ang gusto ni Siony. Ayaw na niya nang may ka-live-in, asawa man o lover.
Dahil sa trabaho ni Bert, may mga panahon na nadedestino siya sa malalayong probinsiya. Sa huli niyang assignment ay pinili ni Bert na umuwi sa mga magulang niya sa Surigao.
Magdadalawang linggo nang wala si Bert nang biglang nakatanggap si Siony ng balitang naaksidente umano ito sa dagat habang nagsu-surfing. Araw-araw ay nagpapalitan ng text messages sina Siony at Bert kaya hindi siya makapaniwala sa balitang dumating.
Paano mangyayari iyon, tanong niya, samantalang patuloy pa rin ang pagte-text ni Bert sa kanya maski noong mismong araw na nakarating sa kanya ang balita. At nagtuluy-tuloy pa rin ang text nito sa kanya nang sumunod na mga araw. Paano nangyari iyon? Tanong pa ni Siony.
Ang totoo niyan, ilang araw nang pinaglalamayan si Bert sa Surigao ay patuloy pa ring nakatatanggap si Siony ng text messages mula sa yumaong lover. Hindi pa binubura ni Siony ang mga text message sa kanya diumano ni Bert lalo na nang nakumpirma niyang totoo nga ang balita.
At ilang araw nang nakaburol ang bangkay nito. Sino ang nagte-text sa kanya, ang kaluluwa ba ni Bert?